*Cauayan City, Isabela*- Nilinaw ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na hindi ipinagbabawal ang pangingisda at pagsasaka sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Isabela Governor Rodito Albano III taliwas sa kumakalat na impormasyon kaugnay dito.
Ayon kay Gov. Albano, tinitiyak naman nila ang sitwasyon ng mga magsasaka sa kabila ng kanilang pagsasaka upang mabigyan ng tuloy-tuloy na suplay ang publiko at iba pang karatig probinsya sa bansa.
Dagdag pa ng gobernador na hindi nila pinagbabawalan ang ganitong uri na ginagawa ng mga magsasaka basta sa usapin ng pagkain sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa.
Binigyan-diin pa ng gobernador na maganda ang presyuhan ng palay na umaabot sa P20 kada kilo at P16 kapag ito naman ay basa.
Sa kabila nito, inalok ni Albano ang mga kooperatiba na may gawa ng mga sariling produkto gaya ng kalamansi juice, chicharon at gatas na bibilhin ito ng gobyerno upang ipamigay sa mga frontliners na magdamagan ang pagbabantay sa mga checkpoint.
Tiniyak din ni Albano na sapat ang suplay ng bigas sa probinsya para magamit ng publiko sa kabila ng patuloy na banta ng covid-19.