Pitong taon nang nakararaan mula nang pagpiyestahan sa internet si “Amalayer” girl o Paula Salvosa sa totoong buhay.
Kumalat noong 2012 ang video niya na nakikipagtalo at nagtataas ng boses sa isang babaeng security guard sa train station.
Sa panayam na inupload sa Facebook page ng “John Denver Trending”–pelikulang bahagi ng Cinemalaya 2019–isinalaysay ni Salvosa ang karanasan at ang naging epekto nito sa kaniyang buhay.
“I checked every tweet. Sabihin nila ‘sana mamatay ka na’–may mga death threats–if they see me, they will gang rape me. Or kung sila ‘yung mga magulang ko, ikakahiya nila akong anak.
“Tapos dapat batuhin ako ng bote, ng kamatis ‘pag nakita raw nila ako sa LRT stations–sa train itutulak nila ako,” pag-alaala ni Salvosa sa unang araw na nag-viral ang kaniyang video, na aniya ay mga salitang ikinatakot niya.
“Simula ng araw na ‘yun, hindi na ako nakatulog nang maayos. So for two months, hindi ako nakakatulog nang maayos. Bumagsak ako ng mga hanggang 80 pounds. From 90 plus to 80 pounds.”
Naging emosyonal naman si Salvosa nang mabanggit ang naranasang mapangutyang tingin matapos makilala ng maraming tao.
Malaki rin ang naging epekto ng video sa pag-aapply niya ng trabaho.
“Every time I applied for a job, napapasa ko lahat ng exams, ng interviews. Pero every time pagdating ng final interview, ang sasabihin lang nila, ‘Diba ikaw ‘yung nasa viral video?’ That’s the time they’re going to tell me na, ‘Okay we’ll just call you back.’”
Lalo pang ‘nagpadilim’ ng sitwasyon ayon kay Salvosa ay mga kaibigan niya raw na sinasabing tama lang ang nangyari sa kaniya dahil kasalanan niya naman.
Dumating sa punto na nakiusap siya sa kaniyang ama na kung pupuwedeng pumunta sa malayong lugar kung saan walang nakakakilala sa kaniya.
“Sabi ko pa kay Papa noon, ‘Puwede ba akong pumunta sa malayong malayong malayong lugar, ‘yung walang nakakakilala sa’kin? Tapos puwede ba tayong bumili ng pangalan?’”
“Kaya ko gustong bumili ng pangalan kasi nahihiya na ako para sa pamilya ko. The disgrace that I brought to my family–na parang they don’t deserve na ‘yung pangalan nila nasa tabloid.
“I didn’t really want to drag them. Kaya ‘yun ‘yung iniisip ko. It was so painful, parang ‘yung buong mundo mo binagsak sa ‘yo. Ang sakit, all I wanted was a second chance.”
Sa kabila ng lahat, may sumilip na pag-asa at unti-unting naghilom ang sakit na naranasan ni Salvosa sa tulong ng mga taong naniniwala sa kaniya.
“May isang tao na nag-tweet lang sa’kin, sabi niya, ‘Hi ate Paula. God loves you. And He will restore your life even more abundant,” ani Salvosa na tinukoy ang “nag-iisang beacon of hope” noong panahong iyon.
Sa tulong ng therapy, natutunan niyang tanggapin o i-acknowledge ang sakit imbis na pigilin ito.
2016 nang nagkaroon siya ng pagkakataong makausap ang nakaalitang lady guard sa pamamagitan ng interview sa TV.
Hudyat na aniya ng pagwawakas sa madilim na kabanata ng kaniyang buhay ang pagkakaayos nila ng guard.
Tinapos na ni Salvosa ang kuwento ni “Amalayer” girl dahil ngayon ay may bagong titulo na siyang isinasabuhay–ang pagiging “Princess of God.”
Aktibo sa simbahan at ginagamit din ni Salvosa ang social media para mangaral at magbigay ng inspirasyon.
Nang tanungin kung anong natutunan sa kaniyang karanasan, ang turan ni Salvosa:
“Don’t allow it to define you. Because their words against you, they will never define you. And find your inner circle, your solid support system. Kasi kung sino man ‘yung mga taong ‘yon na makakapasok sa inner circle mo, they will understand. And those who understand will matter, and those who matter will always understand.
“Let’s not strip off those people na nagv-viral of chances, ‘wag nating tanggalan ng pagiging tao. Hindi lang sila basta news, tao rin kami. May nararamdaman din kami. May mali kami pero I do think everybody deserves a second chance because nobody is beyond redemption.”