
Target ng Senado na maaprubahan sa susunod na linggo ang panukalang magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Bongbong Marcos para suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis bunsod ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ito’y matapos na sertipikahang “urgent” ni Pangulong Marcos ang panukala para sa mabilis na pagpapatibay ng hiling niyang emergency powers mula sa Kongreso.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, sa lalong madaling panahon o sa susunod na linggo ay aaprubahan nila ang panukalang emergency powers.
Sinabi naman ni Senate Majority Floor Leader Migz Zubiri na dahil sinertipikahan na ito ng Presidente ay aaprubahan agad ang panukala sa susunod na linggo lalo’t prayoridad ito ng mataas na kapulungan.
Kapag aniya naipasa na sa third reading ng Kamara ang kanilang bersyon ng emergency powers para sa Pangulo at maisumite na sa Senado ay agad itong aaksyunan sa plenaryo ng mga senador.










