Panukalang magtatatag ng departamento para sa mga OFW, malapit nang maaprubahan

Tinapos na ng mga senador ang debate kaya malapit ng maaprubahan ang panukalang naglalayong magtayo ng isang departamento na tutugon sa pangangailangan ng mahigit 10 milyong Pilipino na nasa ibang bansa.

Ang tinutukoy ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ay ang panukalang magtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF).

Ayon kay Villanueva, sa pagbabalik-sesyon ng Senado sa susunod na buwan ay nasa period of amendments na ang panukala upang palakasin at pagandahin ang mga probisyon nito.


Diin ni Villanueva, naging masinsin ang kanilang pagtalakay sa panukala at tinutukang mabuti ang paglilinaw ng mandato ng DMWOF, Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Paliwanag ni Villanueva, ito ay para hindi magkaroon ng dobleng trabaho o duplication ng responsibilidad sa pagitan ng dalawang departamento.

Binanggit ni Villanueva na isa pang usapin na tinalakay ng masusi ay ang pagprotekta sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Trust Fund.

Facebook Comments