Panukalang NGRP, isinalang na sa plenaryo ng Kamara

Nakahain na sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 7240 na nagtatakda ng National Government Rightsizing Program o NGRP na isang reform mechanism upang mapagbuti ang institutional capacity ng pamahalaan sa pagpapa-abot ng serbisyo sa publiko.

Sasaklawin ng panukala ang ahensya ng Executive Branch kasama ang departments, bureaus, offices, commissions, boards, councils at government-owned and controlled corporations.

Maari namang magpatupad din ng rightsizing alinsunod sa patakaran ng Unified Position Classification and Compensation System ang Lehislatura, Judiciary at Constitutional Commissions, Commission on Human Rights at Office of the Ombudsman.


Hindi naman kasama sa rightsizing ang teaching o teaching related positions; medical at allied medical positions gayundin ang military o uniformed personnel.

Sa ilalim ng panukala ay bibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na gumawa ng pagbabago sa organizational structure ng mga ahensya sa pamamagitan ng itatatag na Committee on Rightsizing.

Bubuuin ito ng Executive Secretary bilang chairman, kasama ang mga kalihim ng Department of Budget and Management, at National Economic and Development Authority, gayundin ang Chairman ng Civil Service Commission at Director General ng Anti Red Tape Authority.

Facebook Comments