Panukalang SIM Card Registration, pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara

Sa gitna ng talamak na text scams ay umusad na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 14 o panukalang SIM Card Registration na layuning mapigil ang iba’t ibang krimen at iligal na aktibidad gamit ang mobile phone.

Si House Speaker Martin Romualdez ang siyang pangunahing may-akda sa naturang panukala na nag-uutos na rehistro ang lahat ng prepaid at postpaid subscriber identity module o SIM cards.

Sa ilalim ng panukala, ang bawat public telecommunications entity (PTE) at authorized seller ay oobligahin ang may-ari ng SIM card na magpresinta ng valid identification document na may larawan.


Mayroon din silang form na kailangang sagutan ang mga impormasyon tulad ng pangalan, kasarian, petsa ng kapanganakan at address.

Anumang impormasyon sa registration document ay ituturing na confidential maliban na lamang kung pahintulutan ng subscriber na ilabas sa pamamagitan ng isang kasulatan.

Kailangan din ilabas ang impormasyon kung utos ng korte o law enforcement dahil gagamitin sa imbestigasyon.

Ang mga SIM cards na naibenta o inisyu na ay oobligahin pa rin na i-rehistro sa loob ng 180 araw mula sa pagiging epektibo ng batas.

Oras na maisabatas, ang lalabag na PTE ay papatawan ng ₱300,000 hanggang ₱1 million na multa habang suspensyon sa operasyon at multang hanggang ₱50,000 naman para sa lalabag na authorized seller.

Facebook Comments