Cauayan City,Isabela- Mas maghihigpit na ngayon ang Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD-FO2) kaugnay sa polisiya sa mga lalabag na miyembro ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).
Ito ay sa kabila ng natatanggap na reklamo ng ahensiya ukol sa maling paggamit ng perang natanggap ng 4Ps mula sa Social Amelioration Program (SAP).
Sa ipinalabas na pahayag ng DSWD Central Office, layon ng polisiya na maintindihan ng mga 4Ps ang kahalagahan ng tinatanggap na ayuda mula sa pamahalaan. Iginigiit ng ahensiya na hindi ito parusa o pahirap sa mga miyembro bagkus ay paalala na ang pagtanggap nito ay may kaakibat na obligasyong gamitin sa nararapat na bagay imbes na mga ilegal na gawain.
Dagdag ng ahensiya, ito ay ipapatupad lamang habang ang bansa o lokalidad ay napapasailalim sa State of Calamity, National Emergency o iba pang katulad na sitwasyon.
Ang sinumang miyembro ng kabahayan na mapatunayang nakikibahagi sa anumang ipinagbabawal na gawain ayon sa circular ay sasailalim sa case management kasabay ng agarang suspensyon ng pagtanggap ng kanilang grants sa naturang pay period. Muli naman silang makakatanggap o reinstated matapos ang obserbasyon at pag-ayon ng case worker sa kanilang pagbabago.
Ilan sa mahigpit na ipinagbabawal ng programa ang pagsusugal; pagbili o paggamit ng ipinagbabawal na gamot at nakalalasing na inumin; higit na isang beses na pagtanggap ng cash grant sa isang pay period; at paglabag ng lokal na ordinansa at mga umiiral na batas sa bansa.
Ang 4Ps na naisabatas noong Abril 2019 ay ang pangunahing programa ng pamahalaan na naglalayong makatugon sa kahirapan sa bansa. Namumuhunan ang programa sa pagpapanatili ng kasulusugan at edukasyon ng mga bata kasabay sa pagpapaunlad sikolohikal at sosyal ng mga magulang sa pamamagitan ng Family Development Sessions.
Sa kasalukuyan, mahigit na isandaang libong 4Ps na pamilya ang mayroon sa Cagayan Valley.