PARENT LEADER NG 4Ps NA SINASABING HINOLD UP, WALANG KATOTOHANAN AYON SA KALIBO PNP, PERA TINANGAY NG KANYANG TEXTMATE

Kalibo, Aklan- Kinumpirma ni Pmaj. Bellzhazar Villanoche, hepe ng Kalibo PNP na walang nangyaring panghohold up kay Emilyn Piano, 47 anyos ng Bakhaw Sur ,parent leader ng 4Ps, taliwas sa unang naging pahayag ng babae. Pag amin mismo ni Piano sa mga otoridad, na tinangay umano ng lalaki na sinasabing kanyang textmate ang pera. Matapos raw itong magwithdraw ng pera sa ATM sa Magsaysay Park Kalibo para sana sa 17 nitong mga 4Ps member, pumara ito ng tricycle sa harap ng Kalibo Elementary School para puntahan ang kanyang katagpo sa Medalla-Melagrosa Cemetery sa Osmena Avenue, Estancia, Kalibo. Nong nagkita na sila ng kanyang katextmate, pumunta umano sila sa Brgy. Libas sa bayan ng Banga. Kung saan pagdating roon ay pinipilit umano siya ng lalaki na pumunta sa kanilang bahay. Tumanggi raw si Piano dahilan na hinablot ng lalaki ang dala nitong pouch na may lamang masobra P45,000 at pinababa sa kanyang tricycle. Dagdag pa ni Pmaj. Villanoche, na marahil sa takot ay ipinalabas nitong hinold up siya ng mga hindi niya nakikilalang mga suspek at pilit na isinakay sa sasakyan at nilagyan ng piring ang kanyang mata. Napag alamang may asawa at apat na anak na si Piano. Sa pag siyasat din ng Kalibo PNP sa mga CCTV sa mga lugar na naunang binanggit ng babae ay wala ring nahagip doon. Wala pang ni isang miyembro ng 4Ps na pumunta sa tanggapan ng kalibo PNP para sa kanilang disposisyon laban kay Piano. Mariin ding pinaalalahan ni Pmaj. Villanoche ang publiko na huwag basta basta magtiwala sa mga textmate lalo nat hindi alam ang tunay nitong motibo. Sa ngayon ay nakatakdang i-refer ang kaso sa Banga PNP sapagkat doon nangyari ang sinasabing insidente at handa namang makipagtulungan ang Kalibo PNP para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Facebook Comments