Isinulong ng ilang mambabatas na makulong at pagmultahin ang mga magulang na “pabaya” at hindi magbibigay ng sustento sa kanilang mga anak.
Nakapaloob ito sa House Bill 4807 o Child Support Responsibility Bill na inihain nina Davao City Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Party-list Reps. Edvic Yap at Jeffrey Soriano.
Itinatakda ng panukala na ang sustento sa anak ay hindi maaaring bumaba sa P6,000 kada buwan o P200 kada araw batay sa pinagsamang kita ng mag-asawa.
Sa ilalim ng panukala, ang mga magulang na paulit-ulit na hindi magbibigay ng sustento ay makukulong ng dalawa hanggang apat na taon at pagmumultahin ng P100,000 hanggang P300,000.
Hindi rin sila bibigyan ng pasaporte at kakanselahin o susupindihin ang drivers’ license, professional at occupational license, recreational o sporting license.
Para mapwersa ang mga magulang na magbigay ng child support ay maaaring hawakan ng pamahalaan ang ari-arian, tax refund, i-report sa consumer credit bureau, kaltasan ang kanilang sweldo o retirement benefits at iba pa.
Ipapasok naman sa mga programa ng gobyerno para magkaroon ng kita ang mga magulang na walang trabaho.