
Ilulunsad ang programang Passport on Wheels upang mapalapit sa mga residente ng Unang Distrito ng Pangasinan ang serbisyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naglalayong mapadali at mapabilis ang proseso ng pagkuha o pag-renew ng passport nang hindi na kailangang bumiyahe sa mga pangunahing tanggapan.
Magsisimula ang pre-evaluation ng mga dokumento at encoding mula Pebrero 16 hanggang Marso 14, 2026 sa Congressional District Office, Barangay Magsaysay, Alaminos City kung saan susuriin at tatanggapin ang mga aplikasyon.
Samantala, ang biometrics at capturing ay isasagawa sa mga darating na Marso 25 at 26, 2026, kung saan kukuhanin ang litrato, fingerprints, at iba pang kinakailangang impormasyon ng aplikante.
Limitado ang serbisyong ito sa unang 1,000 aplikante para sa parehong new application at renewal, kaya hinihikayat ang mga residente na magsumite ng mga dokumento sa itinakdang panahon.
Kabilang sa mga kailangang isumite ay ang duly accomplished application form, photocopies ng mga kinakailangang dokumento, at ang orihinal na PSA Birth Certificate o Marriage Certificate para sa beripikasyon.
Ang bayad para sa passport application ay P1,200, at may karagdagang P150 para sa courier fee na siyang gagamitin sa pagpapadala ng passport.
Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mas magiging mabilis, maginhawa, at mas accessible ang pagkuha ng passport para sa mga taga-Unang Distrito ng Alaminos City.










