Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga otoridad ang isang tsuper makaraang pagbantaan nito ang biktimang pastor at magpaputok pa ng baril subalit aksidente nitong nabaril ang kanyang paa ng aarestuhin ito sa Brgy. Panang, San Agustin, Isabela.
Kinilala ang suspek na si Bobby Lumot, 52 anyos, may-asawa, isang magsasaka, at residente ng Brgy. Panang habang ang biktimang si Herwin Hernando, 35-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. 2 sa nasabing bayan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng San Agustin Police Station, pasado alas-10:00 kagabi ng magtungo sa isang bahay ang biktima at papaalis na sana ito gamit ang kanyang sasakyan ng mabilis namang napadaan ang suspek sa lugar sakay ng kanyang motorsiklo.
Ilang saglit pa ng paalalahanan ito ng biktima na kung maaari ay magdahan dahan sa pagmamaneho na posibleng pagmulan ng aksidente subalit hindi naging maganda sa pandinig ng suspek at dali-dali nitong hinabol ang biktima malapit sa Quarantine Checkpoint.
Sa pagkakataong ito, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na humantong para kwelyuhan ng suspek ang pastor hanggang sa mapansin ito ng mga rumespondeng pulis dahilan naman para bumunot ng baril ang suspek at aksidente nitong naputok sa kanyang kanang paa.
Ayon pa sa report, nagtangka pang tumakas ang suspek subalit naaresto rin ito at nakuha sa kanya ang caliber 38 na baril na kanyang ginamit.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.