
Kinumpirma ng National Police Commission (NAPOLCOM) na ang pulis na inakusahan ng panggagahasa sa isang 27-anyos na babae ay AWOL na sa serbisyo.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Calinisan, inaalam na ngayon ng ahensya ang kinaroroonan ng suspek na si Patrolman Joshua Semilla Mendoza, na dating naka-destino sa Manila Police District (MPD).
Tiniyak ni Calinisan na mananagot ang naturang pulis kapag napatunayan ang alegasyon ng panggagahasa laban sa biktima.
Batay sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang “Ana”, nagkaroon umano sila ng hindi pagkakaunawaan ng kaniyang asawa at humingi ng tulong sa pulis na matagal na nilang kakilala upang ayusin ang kanilang problema bilang mag-asawa.
Sinabihan umano siya ni Mendoza na susunduin sa kanilang bahay upang makausap ang kaniyang asawa. Ngunit nang sunduin ang biktima, wala namang kasama ang kaniyang asawa ang pulis.
Sa halip, dinala umano ang biktima sa isang kainan at kalaunan ay sa isang restobar sa Tomas Morato, Quezon City.
Hinala ng biktima, may inilagay ang suspek sa kaniyang iniinom na alak, dahilan upang siya ay mawalan ng ulirat.
Pagkatapos nito, dinala umano ang biktima sa isang motel, kung saan isinagawa ang panggagahasa.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang tinutugis ang suspek.









