Cauayan City, Isabela- Muling iginiit ni Isabela Governor Rodito Albano III na illegal ang STL operations sa probinsya na pinapatakbo ng Authorized Agent Corporations na binigyan ng prangkisa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ang sinabi ni Albano sa pagdinig ng House Committee on Games and Amusement at Committee on Public Accountability.
Ayon kay Albano, wala sa charter ng PCSO ang magbigay ng prangkisa sa mga lotteries na pinapatakbo ng mga AAC at mahigpit aniya itong ipinagbabawal ng batas.
Aniya, wala siyang problema kung ang mismong PCSO ang magpapatakbo ng Small Town Lottery at hindi ang ilang mga pribadong kumpanya.
Paliwanag pa ng opisyal na kung ang mga AACs ang nabigyan ng kaukulang permit para magpatakbo ng STL ay kinakailangang mag-secure ng mga dokumento sa pagnenegosyo sa mga LGUs kung saan sila sakop dito.
Dagdag pa nito na hindi aniya dapat magbigay ang PCSO ng prangkisa sa mga kumpanya at i-delegate ang kapangyarihan nito para mag operate ng STL.
Tinutukoy rito ng opisyal ang Sahara Games and Amusement Corporation na binigyan ng prangkisa ng PCSO upang magpatakbo ng STL sa Isabela.