Konektado sa malnutrisyon ang patuloy na nararanasang inflation ngayon sa bansa
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Nutrition Council Information and Education Division Chief Jovita Raval na nakababahala na ang epekto ng pagtaas ng presyo ng bilihin dahil posible itong magresulta sa malnutrisyon.
Ayon kay Raval, sadyang problema ngayon ng maraming pamilyang Pilipino kung papano pagkakasyahin ang kanilang kita dahil sa mahal na presyo ng pagkain at bilihin.
Aniya, ginagawa ang lahat ng paraan para makatipid kaya imbes na bumili ng masustansiyang pagkain tulad ng isda, karne, prutas at gulay, pinagkakasya na lamang ang pera sa de lata, processed food at noodles.
Kapag nagpatuloy aniya ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo, maraming Pilipino ang makararanas ng gutom na madalas aniyang mauwi sa malnutrisyon.
Kadalasang apektado aniya rito ay ang mga bata, kaya naman marami sa kanila ay underweight o kulang sa timbang, payat at bansot na maaari aniyang ikamatay ng mga ito.
Dahil dito, pinayuhan ni Raval ang publiko na gawing prayoridad ang pagkain kesa sa ibang bagay, halimbawa aniya ay imbes na manigarilyo at uminom ng alak, ibili na lamang ito ng pagkain.
Kinakailangan din aniyang mag-isip ng mga paraan para matugunan ang pangangailangan sa pagkain ng pamilya katulad ng pagtatanim.