Wednesday, March 11, 2026

PBBM, naghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng langis; emergency powers kontra oil price hike, sisertipikahang urgent

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naghahanap na ang pamahalaan ng mga alternatibong mapagkukunan ng langis upang matiyak na mananatiling sapat ang suplay ng petrolyo sa bansa sa kabila ng kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Pangulo, nakikipag-usap na ang gobyerno sa ilang oil-producing countries na hindi karaniwang pinanggagalingan ng suplay ng Pilipinas upang madagdagan ang mapagkukunan ng langis.

Malaking hamon aniya sa ngayon ang hindi tiyak na galaw ng presyo ng langis dahil sa umiiral na tensyong geopolitikal sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Gayunpaman, mahirap aniya matukoy kung gaano ito katagal tatagal, kaya nagiging pabago-bago rin ang presyo sa pandaigdigang merkado.

Plano ring sertipikahang urgent ng Pangulo ang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng emergency powers upang agad na makaresponde sa posibleng pagtaas ng presyo ng petrolyo, sa sandaling matapos ng Senado at Kamara ang kanilang committee reports.

Facebook Comments