PBBM, nais magtagal ang mga reporma sa edukasyon kahit tapos na ang termino

Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maging permanenteng bahagi ng sistema at manatiling karapatan ng bawat Pilipino ang mga repormang isinusulong sa edukasyon kahit matapos ang kaniyang termino.

Ayon sa Pangulo, matagal nang napabayaan ang sektor, na ngayon ay may kakulangan na humigit kumulang 160,000 classrooms sa buong bansa.

Kaugnay nito, ginawa aniyang prayoridad ng pamahalaan ang pagpapalakas ng edukasyon, kasama ang proposed 2026 budget na may record-high na ₱1.38 trilyon.

Sa halagang ito, ₱185 bilyon ang para sa state universities and colleges, habang malaking bahagi ang nakatuon sa primary education upang ayusin ang pundasyon.

Tiniyak ng Pangulo na bibilisan ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, palalakasin ang suporta sa mga guro, at kukumpletuhin ang kagamitan ng mga estudyante, kabilang na ang computers at internet access.

Kasama rin sa rehabilitasyon ang mga pangunahing pasilidad tulad ng school toilets upang matiyak ang ligtas at maayos na learning environment.

Facebook Comments