
Hihintayin at pag-aaralang mabuti ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pinal na bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill kapag naisumite na ito sa Malacañang.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hinihintay pa ng Office of the President ang bersyon ng panukala mula sa Senado at Kamara bago ito suriin ng Pangulo.
Sinabi ni Castro na kabilang sa pag-aaralan kung alin ang magiging saklaw ng pagbabawal sa political dynasty, kung hanggang second o fourth degree of consanguinity.
Sa ngayon, mahalaga aniya na matapos muna ng Kongreso ang panukalang batas at maipadala ito sa tanggapan ng pangulo.
May sariling bersyon ang Senado at ang Kamara, kabilang ang House Bill No. 6671 na inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Kapag natanggap na sa Malacañang ang panukala, saka ito pagdedesisyunan ng pangulo kung lalagdaan bilang batas.










