Pormal nang naupo si Col. Ramon Zagala bilang commanding general ng Presidential Security Group (PSG).
Sa seremonya sa Malacañang Park, pinalitan ni Zagala si Brig. Gen. Randolph Cabangbang.
Nagpasalamat naman si Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kay Zagala sa kanyang katapangan na tanggapin ang hamon na magserbisyo sa PSG.
Umaasa ito na sa ilalim ng pamamahala ni Zagala ay magpapatuloy ang husay ng PSG sa pagbibigay ng seguridad sa Office of the President, gayundin sa kanyang pamilya at sa mga bumibisitang heads of state at diplomats.
Binigyang-diin ni Marcos na ang misyon ng PSG ay higit pa sa pagbibigay ng proteksyon sa first family dahil ang binabantayan aniya ng mga ito ay ang institusyon ng presidency kaya naman pinipili ang pinakamahuhusay na men and women in uniform para lumahok sa PSG.
Pinasalamatan din ng pangulo ang PSG sa pagtupad sa kanilang tungkulin ng may integridad at pagka-makabayan.
Hiling nito na manatiling nagkakaisa sa pagbibigay ng seguridad sa Konstitusyon para sa mga Pilipino.
Sa panig ni Col. Zagala, nagpasalamat din ito sa tiwalang ibinigay ng pangulo.
Alam niya raw ang kanilang papel ay hindi lang simpleng protektahan ang presidente at kanyang pamilya kundi tiyakin ang stability ng bansa.
Hiling nito sa tropa na ibigay ang excellent at highest standard sa pagtiyak ng kaligtasan ng first family at manatiling professional at tapat sa Konstitusyon at sa bansa.