PBBM sa OFWs sa Japan: ‘Tumitingkad ang pangalan ng Pilipinas dahil sa maganda niyong trabaho’

Nakipagkita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Filipino community sa Japan ngayong araw.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Marcos ang mga OFW dahil sa magandang reputasyon ng mga Pilipino sa Japan gayundin sa iba pang bansang una nang binisita ng pangulo.

Kinilala rin ng pangulo ang mga OFW bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.


“Naging mas madali po ang trabaho namin dahil napakaganda ng reputasyon ng Pilipino dito sa Japan. Kaya po, hindi na namin sila kailangang kumbinsihin tungkol sa galing ng Pilipino, tungkol sa sipag ng Pilipino, sa bait ng Pilipino. Kaya’t maraming maraming salamat sa inyong ginagawa. Tumitingkad ang Pilipinas dahil sa galing ninyo sa trabaho,” ani Marcos.

“Hindi lang kami magpapasalamat dahil do’n. Alam naman po ninyo na napakalaging bagay na ang remittance ng mga OFW sa ekonomiya ng Pilipinas,” dagdag niya.

Kasabay nito, binigyang-diin muli ni Marcos ang pangarap niya na makalikha ng mas maraming trabaho sa Pilipinas at mapaganda ang buhay ng mga Pilipino nang sa gayon ay hindi na mapipilitang mangibang bansa muli ang mga OFW.

“Ang aking pangarap talaga ay masabi na natin na sapat ang trabaho sa Pilipinas. AT kapag ang isang Pilipino ay nag-abroad para magtrabaho, ito ay dahil pinili niya na pumunta sa abroad, hindi napilitang pumunta sa abroad dahil may magandang buhay sa ating bansa. Yan po ang ating pangarap, yan po ang ating hinahabol para sa Pilipinas,” saad pa ng chief executive.

Ito na ang huling aktibidad ng pangulo na bahagi ng kanyang 5-day official visit sa Japan.

Facebook Comments