*Cauayan City, Isabela- *Patuloy pa rin ang tanggapan ng Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC sa pagtanggap ng mga ulat ng mga magsasakang nagpasiguro sa PCIC hinggil sa pagkasira sa kanilang mga pananim dahil sa bagyong Ompong.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Regional Director Edna Marallag ng National Crop Insurance, umiikot na sa mga lugar ang kanilang tanggapan katuwang ang mga LGU’s, Department of Agriculture at kanilang mga kasosyong kooperatiba upang magabayan at mabigyan ng impormasyon ang mga magsasaka na kukuha ng kanilang crop insurance.
Aniya, dipende umano sa sira ng pananim ang maaring makukuhang porsiyento ng isang magsasaka na nakasiguro sa PCIC.
Paalala pa ni PCIC Regional Director Marallag na magtungo lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng PCIC ang lahat ng mga magsasaka na nais magpasiguro sa serbisyo ng PCIC.
Kanya ring Pinaalalahanan ang mga nakasiguro na sa Crop Insurance na magdala lamang ng ID Card, xerox copy ng valid ID at isang 1×1 ID picture.
Samantala, inaasahang papalo sa dalawampu’t anim na libong magsasaka ang maaaring mag-file ng crop insurance claim at tinatayang nasa 230 milyong piso naman ang inaasahang babayaran ng PCIC para sa lahat ng mga magsasakang nakasiguro sa kanilang tanggapan.