Naglabas ng babala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kaugnay ng kasalukuyang breeding season ng king cobra na inaasahang tatagal mula Enero hanggang Abril, panahon kung kailan mas madalas maglipana at nagiging mas agresibo at mapanganib.
Ayon sa abiso, mas mataas ang posibilidad ng engkuwentro sa mga king cobra sa mga kagubatan at kabundukan, partikular sa mga kawayanan at lugar na may naipong tuyong dahon na nagsisilbing taguan ng mga ahas.
Dahil dito, pinayuhan ang publiko na mag-ingat sa mga aktibidad gaya ng camping, hiking, pangangahoy at iba pang gawain sa mga liblib na lugar.
Binigyang-diin din na kung may makitang king cobra, iwasan itong lapitan o gambalain at agad na lumayo sa lugar upang maiwasan ang panganib.
Inirerekomenda ring iulat sa mga awtoridad o tamang tanggapan ang anumang insidente ng sightings ng ahas upang agarang matugunan.
Patuloy ang paalala ng PDRRMO na unahin ang kaligtasan at maging mapagmatyag, lalo na sa mga lugar na malapit sa natural na tirahan ng mga mababangis na hayop. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








