Peace Rally, Isinagawa ng mga Mamamayan ng Zinundungan Valley

Cauayan City, Isabela- Nagkaisa ang mga residente ng Barangay Bural, Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan upang magsagawa ng peace rally laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Aabot sa 300 residente sa lugar ang lumahok sa nasabing pagtitipon sa pangunguna ng kanilang Barangay Captain Evelyn Baloran upang itaboy ang mga kasapi ng rebeldeng grupo.

Sabay-sabay din na nanumpa ng kanilang katapatan (Oath of Allegiance) ang mga residente sa gobyerno para tuluyan nang itakwil ang CPP-NPA sa kanilang lugar kasunod ng kanilang ginawang pagsunog sa bandila ng teroristang CPP-NPA-NDF tanda ng kanilang pagtalikod at pagtatakwil sa rebeldeng grupo.


Sa pamamagitan din ng isinagawang peace rally, nagkaroon ng pagkakataon ang mga residente na mailabas ang kanilang mga hinaing dahil sa mga pang-aabuso at pananakot na ginagawa ng mga rebelde.

Ayon sa isang Ginang na si Venancia Gayagos, nawalan siya ng anak dahil sa panlilinlang ng mga rebeldeng CPP-NPA.

Mensahe naman ni LtCol Angelo Saguiguit, Commanding Officer ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army, hangad ng kasundaluhan ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente lalo na ng mga kabataan sa naturang lugar.

Tiniyak din ng Commanding Officer na katuwang ng mga residente ang hanay ng 17IB sa mga programa at aktibidad upang maisulong ang kapayapaan at kaunlaran hindi lamang sa bayan ng Rizal kundi sa kanilang buong nasasakupang mga lugar.

Facebook Comments