Kasama rin sa assessment ang mga tanggapan ng Provincial Agriculturists sa rehiyon dos.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso A. Edillo, napapanahon aniya ang pulong dahil isa ito sa mga binigyang diin ni Sec. William D. Dar sa kanilang katatapos na pulong na dapat ay magsumite ang bawat opisina ng update sa implementasyon ng programa.
Sinabi pa ni Edillo na kailangan din malaman ng bawat Agriculture Office hindi lang ang mga emerging benefits ng RCEF kundi ang mga isyu din na kanilang kinakaharap.
Samantala, iminungkahi ni Center Director Imelda Guillermo ng ATI Region 02 na dapat madelineate ang responsibilidad ng mga ahensya lalo na sa pagbibigay ng pagsasanay.
Aniya, dapat malinaw at alam ng bawat isa ang kanilang ginagampanan na trabaho upang hindi masayang ang pondong ginugugol para dito.
Kung maaari aniya ay mayroong external group na magsagawa ng assessment sa outcome at impact ng mga interventions.
Sa kanilang presentasyon, iniulat ng PHILRICE ang estado ng distribusyon ng binhi sa ilalim ng seed component, PHILMECH sa mechanization component, ATI sa extension, TESDA sa trainings at Land Bank sa pautang.
Napagkasunduan ng grupo na bubuo ng regional technical working group na gagawa ng final report at pagkatapos ay maisumite sa national directorate ng RCEF at sa Office of the Secretary.
Ang midterm assessment ay isinagawa sa A.R. Santiago Integrated Fish Farm, Gaddanan, San Mateo, Isabela, isang ATI assisted farm school sa ilalim ng RCEF.