
Nagbabala ang Philippine Consulate General in Hong Kong sa mga turistang Pilipino na nagbabalak sumideline sa Hong Kong, dahil labag ito sa batas ng nasabing lungsod.
Kabilang sa ipinagbabawal ang pagbebenta ng condominium units, investments, insurance policies, o pagbili ng commercial interest sa anumang negosyo habang nasa Hong Kong bilang turista.
Ipinagbabawal din sa mga dayuhang turista ang pagbibigay ng legal o medical advice dahil maaari silang kasuhan sa ilalim ng Hong Kong Immigration Ordinance dahil sa breach of condition of stay.
Ang mga lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang HK$50,000 at makulong nang hanggang dalawang taon.
Samantala, hindi na rin papayagan ng Hong Kong Immigration Department na makabalik sa Hong Kong ang mga nag-o-overstay sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagtawid sa Macau.
Ito ay dahil taliwas ito sa 14-day visa-free privilege na ibinibigay sa mga Pilipinong turista na bumibisita sa Hong Kong.










