
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na humihingi na ng paliwanag ang Philippine Embassy sa Oslo sa Ministry of Foreign Affairs at sa Financial Supervisory Authority ng Norway.
Kasunod ito ng pagtanggi ng isang foreign exchange stall sa Oslo Airport na palitan ang 300 dollars ng isang Filipina tourist dahil daw sa talamak na korupsiyon sa Pilipinas.
Ayon sa DFA, lumalabas na ang naturang forex stall sa Oslo Airport ay nakasunod pa sa lumang listahan kung saan ang Pilipinas ay kasali pa sa Financial Action Task Force (FATF) grey list.
Ang FATF grey list ay tumutukoy sa mga bansang kulang sa anti-money laundering at counter-terrorism financing regimes.
Iginiit ng DFA na ang Pilipinas ay inalis na sa FATF grey list nitong February 2025 dahil sa mahigpit na mga hakbangin nito sa paglaban sa katiwalian.









