Panukalang hazard mapping, kailangang maipasa bilang suporta sa ‘Declaration of Imminent Disaster’ law

Isinulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan na maipasa kaagad ang House Bill 4035 o panukalang National Multi-Hazard Mapping Act na layuning lumikha ng multi-hazard maps para sa bawat lungsod at bayan sa bansa.

Diin ni Yamsuan, ang panukala ay magpapalakas sa pagpapatupad ng bagong batas na “Declaration of State of Imminent Disaster Act” na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ipinunto ni Yamsuan na bagama’t hindi mapipigilan ang mga sakuna ay puwedeng mapagaan ang epekto nito sa pamamagitan ng science-based at data-driven na mga estratehiya tulad ng hazard mapping.

Batay sa panukala, ang multi-hazard maps ay tutukoy sa mga lugar na posibleng tamaan ng baha, landslide, pagputok ng bulkan, lindol, storm surge, pagtaas ng tubig sa karagatan, at iba pang kalamidad.

Inaatasan ng panukalang batas ni Yamsuan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGU) para i-update ang multi-hazard maps kada tatlong taon.

Facebook Comments