Manila, Philippines – Hiniling na ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa kay Pangulong Rodrigo Duterte na alisin na ang Special Action Force na nagbabantay sa mga drug lord sa New Bilibid Prison at palitan ng mga tauhan ng Philippine Marines.
Ang pahayag na ito ay ginawa ni Dela Rosa makaraang ibunyag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na bumalik na naman ang operasyon ng ilegal na droga sa Bilibid at sangkot umano ang ilang SAF members.
Ayon kay Dela Rosa, personal na silang nagkausap ng Pangulo pero pahapyaw lamang dahil sa mas maraming seryosong bagay silang napag-usapan ng Pangulo.
Kinausap niya na rin daw si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Eduardo Año para hilingin na magpadala ng marines sa Bilibid.
Pero ang tugon umano sa kanya ni Año ay wala pa itong maibibigay na tauhan mula sa Philippine Marines dahil abala pa ang kanilang hanay sa pakikipagbakbakan sa Maute Group sa Marawi City.
Kaya naman, sinabi ni Dela Rosa na hindi na niya muna mapapalitan ang mga SAF members na nagbabantay sa Bilibid.