Nagbigay ng limang proposed measures si Retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na maaaring gawin ng pamahalaan para maipatupad ang 2016 Arbitral Award sa West Philippines Sea.
Matatandaan noong December 2016, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasantabi niya ang Arbitral Award na iginawad ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague.
Una, sinabi ni Carpio na dapat bawiin ang authorization na ibinigay ni Pangulong Duterte sa China na payagan ang mga mangingisdang Chinese na makapalaot sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa WPS.
Argumento ni Carpio, walang awtoridad si Pangulong Duterte na payagan ang mga Tsino na kumuha ng marine resources sa loob ng EEZ ng bansa lalo na at nakasaad sa Konstitusyon na tanging mga Pilipino lamang ang pwedeng makinabang dito.
Dahil sa pagpabor sa mga mangingisdang Tsino, nagdudusa ngayon ang mga mangingisdang Pilipino at mga consumers.
Pangalawang mungkahi ni Carpio, bawiin ni Pangulong Duterte ang naunang pahayag nito na hawak ng China ang West Philippines Sea dahil pinapa-atras lamang niya ang mga Pilipinong service contractors mula sa kanilang obligasyon sa ilalim ng service contracts para sa oil and gas exploration.
Pangatlo, maaaring sumali ang Pilipinas sa freedom of navigation exercises sa Estados Unidos at sa mga kaalyadong bansa nito tulad ng Japan, United Kingdom, Australia, Canda, France, India at Germany na nagpapakita ng matibay na enforcement ng arbitral award.
Ang pang-apat na suhestyon ni Carpio, maaaring magsagawa ang Pilipinas ng joint patrols sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) tulad ng Malaysia, Vietnam, Brunei, at Indonesia para igiit sa China ang kani-kanilang EEZ.
Mahalaga aniya ang joint patrols para sa mapayapa at makatarungang pagtataguyod ng soberanya, at pinapayagan ito sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea.
Ang ikalima, pwedeng maghain ang Pilipinas sa United Nations Commission on the Limits of Continental Shelf ng 150 nautical mile extended continental shelf mula sa baybayin ng Luzon patungo sa WPS.