
Gagawa ng kauna-unahang locally-made hybrid electric vehicles (HEVs) sa Pilipinas ang Mitsubishi Motors Corporation.
Ito ay kasunod ng pagpupulong ni Mitsubishi CEO Takao Kato kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang, kung saan tinalakay ang plano para sa lokal na produksyon sa ilalim ng Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS) program.
Ayon sa plano, gaganapin ang produksyon sa planta ng Mitsubishi sa Santa Rosa, Laguna.
Ani Pangulo Marcos, patunay ito ng lumalakas na tiwala ng mga mamumuhunan sa bansa at isang hakbang tungo sa mas malinis at modernong transportasyon.
Inaasahan din na lilikha ang proyekto ng mga bagong trabaho para sa mga Pilipino at magbibigay ng mas maraming pagpipilian sa sasakyan. Dagdag pa ng Pangulo, makakatulong ang proyekto sa pagbawas ng pagdepende sa gasolina at makatutulong sa mga motorista na makatipid sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo.










