Manila, Philippines – Pinababawi na ni House Deputy Minority Leader Harlin Neil Abayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag na pamasahe sa jeep at bus.
Pangangalampag ni Abayon, sunud-sunod na linggo ng bigtime rollback ang ipinapatupad ng mga oil companies pero tahimik dito ang LTFRB at walang anunsyo ng pagbawi sa taas pasahe.
Sinabi ng kongresista na hindi na kailangan ang panibagong fare rollback petition dahil maaari namang baligtarin lang ang inilabas na board decision.
Aniya, bilang isang quasi-judicial regulator ay maaaring magsagawa ng motu propio ang LTFRB dahil hindi na umiiral ang mga basehan nito sa fare hike.
Sa kasalukuyan ay nananatili sa P10 ang minimum fare sa jeepney sa Metro Manila habang P13 na ang pasahe sa air conditioned metro buses at P11 sa ordinary fare.