Pinas Lakas vaccination drive campaign, inilunsad ng DOH sa Supreme Court

Ikinasa ng Department of Health (DOH) ang kanilang COVID-19 vaccination program na tinawag na Pinas Lakas campaign sa mismong tanggapan ng Korte Suprema sa lungsod ng Maynila.

Pinangunahan ni DOH Officer-In-Charge Usec. Maria Rosario Vergeire ang aktibidad kung saan dumalo din dito si Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan at Chief Justice Alexander Gesmundo kasama ang ibang opisyal ng DOH at ng mga sangay ng hudikatura.

Sa pahayag ni CJ Gesmundo, nagpapasalamat siya sa naging hakbang ng DOH dahil malaking bagay ito para masigurong ligtas ang bawat empleyado ng sangay ng hudikatura maging ng kanilang pamilya.


Ikinatuwa naman ni Health Usec. Vergeire ang suporta ng sangay ng hudikatura sa ikinakasa nilang COVID-19 vaccination program kung saan ipinapakita ng mga namumuno dito ang malasakit sa kanilang mga tauhan.

Ayon pa kay Vergeire, bahagi ng Pinas Lakas campaign na ilapit ang mga bakuna sa publiko.

Aniya, umaabot na sa 80,000 ang naitayo ng DOH na vaccination sites sites at kabilang dito ang nasa palengke, eskwelahan, malls at sa bawat komunindad kung saan nasa 6,000 mobile unit ang umiikot para magsagawa ng pagbabakuna.

Sa datos ng DOH, nasa 96% sa mga empleyado sa sangay ng hudikatura ay fully vaccinated, 92% ang naka-first booster at 51.2% ang nakatanggap na ng second booster.

Facebook Comments