Higit pa sa sapat ang natitirang lakas at sigla kay independent presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson para tapusin ang nalalabing kulang-kulang na isang buwan ng pangangampanya sa tulong ng mga grupong sumusuporta sa kanya para sa halalan sa Mayo 9.
Mismong si Lacson ang nagsiwalat nito sa kanyang pagdalo at ng ka-tandem na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa Kapihan ng Samahang Plaridel na idinaos sa Manila Hotel.
Ayon kay Lacson, hindi matatawaran ang ginagawang pagtulong ng mga grupong nagtataguyod sa kanyang laban, lalo na ang BRAVE Movers na halos lahat ay nagbibigay ng kanilang boluntaryong serbisyo.
“They have been talking to even the simple magtataho and posting their activities daily… Nagpo-postering, kinakausap ‘yung mga (nasa) karinderya, talagang they’re on the ground,” kuwento ni Lacson sa nasabing media forum.
Tinutukoy ng beteranong mambabatas ang mga miyembro ng BRAVE Movers na nagsama-sama upang tulungan siyang mabigyang kaalaman ang publiko tungkol sa isinusulong niyang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).
Parte sila ng pinalawak na Lacson-Sotto Support Group, na ngayon ay may mga organisadong samahan sa 59 mga lalawigan sa buong bansa at patuloy na ikinakampanya sila ni Sotto, maging ang kanilang mga kandidato sa pagkasenador.
“Kung hindi kami nakakakita ng encouragement sa ground, nandito pa ba kami? Siyempre, tatamarin ka na. Pero para kaming kalabaw kung magtrabaho. Talagang—‘yung mga media nga minsan sila ang sumusuko sa amin e,” sabi ni Lacson sa host ng forum na si Jullie Yap-Daza.
Hindi umano kailanman pinanghinaan ng loob si Lacson sa kabila ng lumalabas na resulta ng mga survey dahil iba ito sa mga ulat na kanyang natatanggap mula sa mga tagasuporta niya sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas.
“Sabi nila, the responses are very, very good. Talagang welcoming ‘yung mga tao pagka… Minsan nga namamasyal lang sila may facemask pinupuntahan na sila. These are the kinds of reactions na hindi namin nakikita sa surveys,” sabi ni Lacson.
Bukod sa mga organisasyong binubuo ng mga ordinaryong mamamayan, sinabi ni Lacson na sinusuportahan din siya ng ilang mga retiradong opisyal ng militar at pulis, gayundin ang mga dating tauhan ng gobyerno na kamakailan ay inihayag sa publiko ang pagtitiwala nila sa kanyang pamumuno.
Sa mga huling araw ng kampanya bago ang May 9 elections, sinabi nina Lacson at Sotto na tuloy ang kanilang pagbisita sa mga probinsya upang ipakilala ang kanilang mga adbokasiya gaya ng BRAVE at iba pang mga programa tungo sa mabuting pamahalaan at maayos na buhay ng mga Pilipino.
“Tinatanong kami hindi ba kayo napapagod? Sabi ko hindi, call it adrenaline,” sabi ni Lacson kay Daza. Sinabi rin niya na nabawasan siya ng timbang ngayong panahon ng kampanya, pero nananatiling maganda ang kondisyon ng kanyang kalusugan.
Habang si Sotto naman ay normal pa rin daw ang timbang. Ayon pa sa Senate President, kahit pa pisikal silang kumikilos ngayon sa pangangampanya sa mga palengke at kalsada sa mga dinadalaw nilang lugar, iba pa rin umano ang pagpapawis sa treadmill o golf course.