Umabot na sa ₱401.73 million ang halaga ng pinsala sa agro-fishery sector ng naging paghagupit ng Bagyong Quinta.
Katumbas ng 20,568 metric tons ng produksyon sa agrikultura at pangisdaan ang napinsala sa Regions 1, 4-A, 5 at Region 6.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nasa 16,531 ang bilang ng mga magsasaka ang naperwisyo ng bagyo at 14,252 ektarya ng lupang sakahan ang naapektuhan.
Kabilang sa mga nasira ang mga pananim na palay, mais, high value crops, mga pangisdaan, alagaing hayop, irigasyon at mga pasilidad sa agrikultura.
Isinasailalim pa sa validation at assessment ng DA Regional Field Offices ang mga pinsala kabilang ang farm infrastructures at mga gusali.
Tiniyak ng DA na may laan nang pondo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.
Gayundin ang pagbibigay ng interbensyon sa mga magsasaka at mangingisda at ang pautang mula sa Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council.
Bukod dito, babayaran din ng Philippine Crop Insurance Corporation ang nalikhang pinsala sa mga apektadong magsasaka.