Manila, Philippines – Kinuwestyon ni Committee on Public Service Chairperson Senator Grace Poe ang exemption na ibinigay ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa halos 300 mga bus para sa paggamit ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX.
Ang PITX ay nagsisilbing terminal para sa mga bus mula Cavite, Batangas at iba pang lalawigan sa layuning hindi na papasok ang mga ito sa Metro Manila para makabawas sa mabigat na daloy ng trapiko.
Sa pagdinig ng komite ni Poe ay inakusahan ni outgoing LTFRB board member Aileen Lizada ang chairman ng ahensya na si Martin Delgra ng pagdoktor sa Memorandum Circular no. 022 na nagpahintulot sa ilang provincial bus na makabiyahe sa loob ng Metro Manila.
Bintang ni Lizada, itinapal umano ni Delgra sa nasabing memorandum ang isang pahina na nanggaling sa ibang memorandum para palitawin na sang-ayon siya sa pagbyahe sa Metro Manila ng ilang provincial bus.
Pero mariin itong itinanggi ni Delgra at sinabing malisyoso ang paratang ni Lizada para palitawin na mayroon siyang pinapaboran at may nangyayaring katiwalian.
Paliwanag pa ni Delgra, walang binigyan ng exemption at iniurong lang ang boundary kaugnay sa PITX.
Samantala, iginiit din ni Poe ang pagbibigay ng fare matrix sa mga provincial bus na gumagamit sa PITX.
Tugon ito ni Poe sa reklamo ng mga pasahero na walang pagbabago sa kanilang bayad kahit umikli ang kanilang ruta at hindi na sila idinidiretso sa Lawton sa Maynila o sa EDSA.