
Magkakasa ng malawakang transport strike ang grupong PISTON sa darating na Huwebes, March 19.
Ito ang kanilang gagawing hakbang dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nagpapahirap sa mamamayan.
Pangungunahan ng operators, drivers, at mamamayan ang mangyayaring kilos-protesta.
Panawagan nila na tanggalin ang excise tax at value added tax o VAT sa produktong Langis at ang pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Bukod pa rito, nais din nila na i-rollback ang presyo ng petrolyo sa 55 pesos kung saan dahil sa oil price hike at nakaambang taas-presyo ay pumapalo na sa mahigit 60 pesos hanggang 100 piso.
Ayon kay PISTON National President Mody Floranda, ang subsidiya ng pamahalaan na 5,000 pesos para sa mga tsuper ay hindi sapat dahil sa epekto ng pagtaas ng langis bunsod ng kaguluhan sa Middle East.
Dagdag pa niya na hindi mareresolba ng ayuda ang kasalukuyang krisis ng transportasyon na nararanasan ng bansa pagdating sa krudo.
Kaugnay nito, suportado ng ilang progresibong grupo ang ikakasang transport strike ng PISTON.










