Plantasyon ng Marijuana, Sinalakay sa Bayan ng Quezon, Isabela

Cauayan City, Isabela- Nadiskubre ng mga otoridad ang humigit kumulang 7,000 square meters na taniman ng marijuana sa bulubunduking bahagi ng Sitio Dat-Ayan, Brgy Minagbag, Quezon, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Rouel Meña, hepe ng PNP Quezon, ang pagkakadiskubre sa taniman ng marijuana ay dahil aniya sa sumbong ng isang concerned citizen.

Umabot sa 21 na puno ng tanim na marijuana ang nabunot ng mga kasapi ng PNP Quezon, Provincial Intelligence Unit-Isabela Police Provincial Office at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Provincial Office sa nasabing plantasyon.


Tinatayang nasa mahigit apat (4) libong piso naman ang katumbas na halaga ng kanilang nabunot na marijuana.

Ayon pa kay PCapt. Meña, posibleng nakapag-harvest na ang may-ari ng plantasyon bago pa nila ito masalakay.

Posible rin aniya na galing din sa naturang plantasyon ang kanilang nasamsam na mahigit 5 kilong tuyong pinatuyong dahon ng marijuana sa barangay Abut, Quezon.

Kaugnay nito, mayroon nang suspek na nagmamay-ari sa nadiskubreng taniman ng marijuana ang binabantayan at iniimbestigahan ngayon ng pulisya.

Dahil dito, inatasan na ng Hepe ang kanyang mga personnel na bisitahin ang mga bulubunduking lugar sa naturang bayan na posibleng pagtamnan ng marijuana upang mapigilan ang sinumang nagbabalak na magtanim nito.

Hiniling din nito ang pakikiisa at pakikipagtulungan ng mamamayan sa lugar upang mabantayan na walang makalulusot na makapagtanim ng marijuana.

Pinuri naman ng Provincial Director ng Isabela PPO na si PCol James Cipriano ang Hepe ng PNP Quezon dahil sa magkasunod na accomplishment na may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.

Facebook Comments