PNP, bumuo ng special task force para imbestigahan ang pagpatay sa 4 na katao na natagpuan sa abandonadong sasakyan sa Rizal

Nagtatag na ang Philippine National Police (PNP) ng special task force para imbestigahan ang nangyaring pagpatay sa apat na katao na natagpuan sa isang abandonadong sasakyan sa Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal noong Lunes.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Roderick Augustus Alba, layon ng task force na ito na kumalap ng mga impormasyon at mga ebidensya upang matukoy kung sino ang nasa likod nang pamamaslang.

Nangako rin ang PNP na igagawad ang hustisya sa mga biktima at papanagutin ang may sala.


Sa apat na biktima, dalawa na ang natukoy ng kanilang mga kaanak kung saan ang dalawang babae ay nananatiling unidentified.

Nitong Lunes, matatandaang nakatanggap ng tawag ang Rodriguez Municipal Police Station kung saan may mga bangkay na nakita sa loob ng isang Nissan na sasakyan na may plate no. NGU 1923.

Facebook Comments