DALAWA, PATAY SA PAGBALIKTAD NG BUS SA NAGUILIAN, ISABELA

Dalawang indibidwal ang kumpirmadong nasawi matapos bumaliktad ang isang pampasaherong bus sa San Manuel, Naguilian, Isabela bandang 11:30 ng umaga ngayong araw.
Ayon sa nakuhang impormasyon mula sa PNP Naguilian, dalawang pasahero ang nasawi sa insidente habang sugatan naman ang anim pang katao kabilang ang drayber at konduktor.

Sa panayan ng 98.5 iFM Cauayan kay PMAJ Juniel Perez ng PNP Naguilian kanina, patungong Manila ang Victory Liner na bus galing sa Tuguegarao City nang biglang nawalan ng kontrol sa preno ang drayber ng sasakyan dahilan upang ito’y bumaliktad.

Kagyat namang rumesponde ang Disaster Action Response Team o DART 341 ng lokal na pamahalaan ng Isabela kung kaya’t nadala na sa iba’t ibang pagamutan ang mga biktima ngunit nagtamo ng major injuries ang dalawang indibidwal na nag resulta sa kanilang pagkasawi.

Pinayuhan naman ng pulisya ang mga motorista na magdahan-dahan sa pagmamaneho dahil madulas ang kalsada ngayon bunsod ng pag-ulan dahil sa bagyong Florita.

Facebook Comments