PNP, kumpyansang hindi pa nakakalabas ng Negros Oriental ang mga nalalabing suspek sa pagpatay kay Gov. Degamo

Tiwala si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., na nasa lalawigan pa rin ng Negros Oriental ang mga nalalabing suspek sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at 8 iba pa.

Ayon kay Azurin Jr., ito’y dahil sa agad namang naalerto ang mga pulis sa krimen at naglatag narin ng mas mahigpit na seguridad sa mga border sa pamamagitan ng checkpoint.

Paliwanag pa ni Azurin, tuloy-tuloy rin ang kanilang hot pursuit operations.


Nakikipagtulungan din sila sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para masugpo ang karahasan at maibalik ang peace and order sa lalawigan.

Sa katunayan bumuo na ng Joint Task Force ang AFP upang mahuli ang mga naritira pang suspek.

Nabatid na hindi bababa sa 5 pang suspek ang patuloy na pinaghahanap ng PNP.

Ito’y matapos na maaresto ang apat sa mga ito habang ang isa naman ay nasawi matapos makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad.

Facebook Comments