
Binatikos ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ang isinumiteng pre-trial filing ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa kaniyang post sa X, tinawag ni De Lima na propaganda na puno umano ng maling impormasyon at kasinungalingan ang mga argumentong inilatag ng mga abogado ng dating pangulo.
Kinontra rin ng kongresista ang argumento ng depensa na hindi sapat ang bilang ng mga napatay sa war on drugs upang maituring itong crimes against humanity.
Giit ni De Lima, walang itinakdang minimum na bilang ng mga nasawi sa ilalim ng Rome Statute, bagkus ay mas binibigyang-pansin ang sistematiko o malawakang pag-atake laban sa mga sibilyan.
Kinuwestiyon din nito ang argumento na dapat sa mga korte sa Pilipinas litisin si Duterte, gayong ayon sa kanya, mga mababang opisyal lamang ng pulisya ang nasampahan ng kaso kaugnay ng drug war at hindi ang matataas na opisyal na umano’y nasa likod ng naturang kampanya.
Binigyang-diin ni De Lima na kailangang sagutin ng kampo ni Duterte ang mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon at mga biktima sa halip na umasa sa tinawag niyang propaganda.










