PNP, nakaalerto sa post-election violence

Hindi pa tapos ang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) sa pagtatapos ng araw ng botohan sa 2022 national and local elections.

Ayon kay PNP Officer in Charge PLt. Gen. Vicente Danao, mananatiling nakaalerto ang PNP para sa inaasahang “post election violence”.

Aniya, pinaghandaan ng PNP ang iba’t ibang senaryo kung saan inaasahan ang matinding tungalian ng mga magkakalaban sa politika kapag lumabas na ang resulta ng eleksyon.


Mayroon aniyang nakalatag na contingency plan ang PNP hanggang sa matapos ang electoral process at mailuklok sa pwesto ang mga nanalo sa eleksyon.

Inamin naman ni Danao na mayroon silang nakalap na intelligence reports na may mga grupo na nagbabalak na mang-agitate kapag hindi nila magustuhan ang resulta ng botohan.

Kaya naman babala ni Danao sa mga grupong ito na huwag nang tangkaing ituloy ang kanilang masamang balak dahil nakahanda ang PNP na harapin sila anumang oras.

Facebook Comments