Brgy. Kagawad, 2 Tanod Sugatan matapos Hagisan ng Granada sa Outpost

Cauayan City, Isabela- Tatlong indibidwal ang sugatan makaraang hagisan ng Granada sa barangay outpost ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo na walang plaka sa Barangay Lallayug, Tuao, Cagayan noong linggo ng gabi May 8, 2022.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 2, kinilala ang mga biktima ng pagsabog na sina Hermogenes Ganaban, Barangay Kagawad; Honorato Tangaro; at Domingo Sanchez, parehong Barangay Tanod ng nabanggit na barangay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP, pasado alas-10:00 ng gabi habang nakaduty ang tatlong biktima sa outpost sa harap ng Lallayug Barangay Hall nang biglang hagisan ang mga ito ng Granada ng dalawang lalaki na nakasakay sa kulay orange na Honda Click motorcycle na walang plaka mula sa timog patungo sa hilagang direksyon.

Nang dumaan umano ang mga suspek sa harap ng barangay outpost, isa sa mga suspek ang sumigaw ng “HAPPY NEW YEAR” tsaka inihagis ang nasabing granada sa mga biktima at sumabog na sanhi ng pagkasugat ng mga nasabing biktima na agad namang isinugod sa Tuao District Hospital para sa agarang gamutan.

Samantala sa isinagawang follow-up investigation ng PNP Tuao ay nakilala ng mga biktima ang driver ng motorsiklo na ginamit na si Paolo Doctor na residente ng Barangay Bagumbayan, Tuao, Cagayan habang ang kasama nito na naghagis ng granada ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng dragnet operation ang PNP para sa agarang pagdakip sa mga suspek.

Facebook Comments