
Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang laban sa mga abusadong online lending platforms na nang-ha-harass sa mga humihiram, nag-i-invade ng privacy, at lumalabag sa mga cybercrime laws.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi katanggap-tanggap ang ginagawang pananakot ng mga lending platforms sa kanilang mga borrower, kaya’t kinakailangan na ng pwersa ng kapulisan dahil ang ganitong klaseng gawain ay ang mga sindikatong kriminal lamang ang gumagawa.
Ayon naman sa dating PNP chief at ngayon ay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Benjamin Acorda, nakatanggap na ng mahigit 47 libong reklamo ang kanyang opisina simula noong Agosto 2024 hanggang Enero 2026 laban sa mga kumpanyang nag-o-operate ng online lending apps na nagiging abusado.
Dahil dito, nagbigay na ng direktiba si Nartatez sa Anti-Cybercrime Group (ACG) na arestuhin at maghanda ng kaso laban sa mga operators na sangkot sa online harassment, data privacy violations, at iba pang cybercrime-related offenses.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang PNP-ACG sa PAOCC, Securities and Exchange Commission (SEC), at National Privacy Commission (NPC) para mapanagot ang sinumang mapatunayang lumalabag sa batas.
Samantala, hinimok naman ni Nartatez ang publiko na manatiling vigilante at humiram lamang sa mga SEC-registered na lenders o mga nagpapautang.










