PNP Region 5 / Naga: Handa at Abala Para Matiyak ang Kaayusan at Katahimikan Kaugnay ng Undas

Naglatag ng mga Assistance Hubs ang Philippine National Police sa anim na mga probinsiya ng Kabikolan. Ito ay batay sa impormasyon na ipinalabas ng PNP Regional Office 5. May kabuuang 48 Assistance Hubs sa Camarines Sur, 26 sa Albay, 28 sa Camarines Norte, 30 sa Masbate, 24 sa Sorsogon, 24 rin sa probinsiya ng Catanduanes samantalang 13 na Assistance Hubs at 12 na PCOs naman sa Naga City.
Ang lahat ng ito ay isinasagawa para magkatuwang na matiyak ang katahimikan at kaayusan sa paggunita ng publiko sa Undas ngayong araw hanggang bukas petsa dos ng Nobyembre.

Mayroon ding ipinakalat na road safety marshalls ang PNP sa iba’t-ibang probinsiya batay na rin sa kautusan ni Chief Supt. Antonio Gardiola ng PNP Regional Office 5.

Nakahandang magbantay sa loob ng 24 na oras ang lahat ng kapulisan sa mga matataong lugar tulad ng mga sementeryo at terminal kung saan inaasahang dagsa ang mga pasahero pauwi upang dalawin ang kanilang mga pumanaw ng mahal sa buhay.


Samantala, sa lungsod ng Naga, ipinahayag ni Deputy City Director for Operations Supt. Gilbert Remo na minamaximise nila ang lahat ng personnel para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa ilalim ng Operation Ligtas Undas 2017 kasama na rito ang security plan at pagmantina ng maayos na daloy ng trapiko. Kabilang na rin sa kanilang ipapatupad ang pagbabawal ng pagtitinda ng sigarilyo pati na rin ang paninigarilyo sa sa loob ng mga sementeryo.

Ipinahayag naman ng pinuno ng NCPO-PCR na si Supt. Venerando Ramirez na tiyaking ligtas ang mga kabahayan na iiwanan bago pumunta sa mga sementery ngayong araw o d kaya bukas. Idinagdag pa ni Ramirez na may mga tauhan din ang pulisya na magroronda sa mga subdivisions at mga bara-barangay, subalit mas makakabuting magkatuwang na magtulungan ang pulis at mamamayan para mabantayan at maprotektahan ang mga ari-arian sa mga kabahayan laban sa mga masasamang loob na balak magsamantala ngayong kapanahunan ng Undas.

Ang naturang mga opisyal, kasama ang Spokesperson ng NCPO na si SPO2 Toby Bongon, ay naging panauhin ng DWNX Radio Program “DOBLE PASADA” kahapon upang maipabatid sa publiko ang paghahanda at kampanya ng pulisya para sa ligtas at maayos na paggunita ng Undas.

– Kasama mo sa balita at serbisyo publiko, RadyoMan Ed Ventura, Tatak RMN!



Facebook Comments