PNP SANTIAGO CITY, NAKAALERTO SA PINALAWIG NA LOCKDOWN SA ISANG BARANGAY

Cauayan City, Isabela- Nakaalerto pa rin ang PNP Santiago City sa pagpapatupad ng Calibrated lockdown sa tatlong Purok ng barangay Sinsayon sa Lungsod.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Col. Jimmy Garrido, City Director ng Santiago City Police Office (SCPO), inatasan na nito ang Station Commander ng Presinto dos para sa mga guidelines sa pag-iimplimenta ng calibrated total lockdown sa nasabing barangay matapos mapalawig ang sakop nito.

Batay sa inilabas na Executive Order no. 2020-09-05 ni City Mayor Joseph Tan, bukod sa Purok 6 na unang isinailalim sa calibrated total lockdown matapos makapagtala ng isang positibo sa COVID-19 ay isinali na rin ang Purok 4 at 5.


Nagsimula ang lockdown kahapon sa dalawang purok at magtatagal ito hanggang September 17, 2020.

Ito’y para bigyang daan ang ginagawang contact tracing ng pamahalaang Lungsod at mapigilan ang pagkalat ng virus sa mga kalapit na Purok at barangay.

Kaugnay nito, nagtalaga na rin ng mga karagdagang checkpoint sa dalawang purok na minamanduhan ng tropa ng SCPO, mga opisyal ng barangay, mga Tanod, mga tauhan ng CDRRMO, City Health Office, Department of Public Order and Safety (DPOS).

Facebook Comments