
Naglabas ng pahayag ang pamunuan ng Philippine National Police Academy (PNPA) kaugnay ng umano’y hazing sa mahigit 20 underclassmen sa loob ng Akademya.
Ayon sa PNPA, agad na nakatanggap ng atensyong medikal ang mga nagtamo ng injuries at sinailalim na rin sa monitoring para matiyak ang kanilang full recovery.
Tiniyak naman ng PNPA na nagsasagawa na sila ng kaukulang hakbang para mapanagot ang mga sangkot sa nasabing insidente.
Kung saan ang mga responsable ay inilagay na sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para suportahan ang imbestigasyon at matiyak ang tamang paghawak sa nasabing kaso.
Inihahanda naman na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa mga sangkot na indibidwal.
Samantala, pansamantala namang nirelieve sa pwesto ang Tactical Officer of the Day habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.










