Nilinaw ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na may ilang klase ng trabaho ang hindi sakop ng total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.
Ayon kay POEA Administrator Undersecretary Bernard Olalia – hindi kasama sa ban ang mga skilled at professional Filipino workers, na nakabakasyon sa Pilipinas at nakatakdang bumalik sa Kuwait.
Aniya, ang sakop ng ban ay mga household service workers, balik manggagawa man o newly hire.
Kasama rin sa ban ang mga newly hired skilled workers at professionals.
Unang nagpatupad ng partial deployment ban ang Pilipinas matapos mamatay sa bugbog umano ng amo ang household worker na si Jeanelyn Villavende.
Sinabi ni Olalia na mananatili ang total deployment ban hangga’t hindi nakakamit ni Villavende ang katarungan.
Pinayuhan ni Olalia ang mga OFW na maaapektuhan ng ban na pumunta sa tanggapan ng POEA, Department of Labor and Employment (DOLE), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para matulungan na makahanap ng ibang mapapasukan.