POLICE OPERATION | 5 hinihinalang kidnaper at pulis, patay sa engkwentro ng PNP-AKG at mga kidnaper sa Laguna

Laguna – Patay ang limang hinihinalang kidnaper at isang pulis sa engkwentro ng PNP-Anti Kidnapping Group sa barangay San Nicolas, San Pablo, Laguna pasado alas 6:00 kaninang umaga.

Kasama sa namatay ang policewoman na nakilalang si PO1 Sara Andal na nagtamo ng malubahang tama ng baril.

Sugatan naman ang tatlong mga pulis at isang bystander ang natamaan ng bala habang nagkakaputukan.


Bago ito, nakatanggap ng sumbong ang pulisya na dinukot ng isang grupo si Ronaldo De Guzman Arguelles kagabi sa kanyang bahay sa Candelaria, Quezon at hinihingian ng ransom demand na P700,000.

Agad namang nagkasa ng operasyon ang PNP-AKG, pero paglapit pa lang nila sa sasakyan ng mga suspek ay bigla na silang pinagbabaril.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta ng pagkasawi ng mga kidnaper na nakasuot pa ng fatigue uniform.

Sa press conference sa Camp Crame – kinumpirma ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na natuklasang isang high value target o nasa drug watchlist ang dinukot na biktima.

Bunsod nito, magsasagawa ng case build up ang PNP.

Facebook Comments