*T**uguegrao** C**ity**-* Bilang pagtalima sa kautusan ng national headquarters ng pulisya mula sa kampo krame kaugnay sa paghahanda ng State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Lunes, July 22, 2019 ay pinaalerto na ng Police Regional Office 02 ang mga kapulisan para sa mapayapang pagdaraos ng prestiyosong aktibidad.
Sa naging panayam ng 98.5 IFM Cauayan kay P/Lt Col. Chevalier Iringan, ang tagapagsalita ng PR02, nagsimula na kahapon ang direktiba ng PRO2 na magsagawa ng checkpoint sa mga pangunahing lansangan partikular sa papasok at palabas ng Lambak ng Cagayan patungong kalakhang Maynila.
Tiniyak ni P/Lt Col. Iringan na mayrong nakahanda at naka-standby na pwersa ng kapulisan na idedeploy kung sakaling magkaroon ng aberya sa araw ng SONA.
Dadag ni Iringan, wala pa naman silang natatanggap at namomonitor na pagkilos mula sa makakaliwang grupo subalit tiniyak naman nito na handa ang bawat Hepe ng mga pulisya sa rehiyon sa anumang hindi inaasahang pangyayari.
Samantala, sa panayam ng 98.5 IFM CAUAYAN kay P/Maj.Jobs Videz, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ay naglatag na sila ng checkpoint sa mga pangunahing lansangan sa bayan ng Diadi hanggang Sta. Fe, Nueva Vizcaya upang mabantayan ang mga kahina-hinalang sasakyan na maaring sakay ng mga militanteng grupo na sasama sa rally sa araw ng SONA ng Pangulo.
Inalerto rin ang mga tauhan ni P/Maj. Vicente Guzman, hepe ng PNP Cordon para magsagawa ng checkpoint sa boundary ng Isabela at Nueva Vizcaya hanggang sa matapos ang SONA ng Pangulo.