Tuesday, February 10, 2026

Polisiya ng Pilipinas laban sa karahasan sa mga bata, kinilala ng WHO

Ipinagmalaki ng Malacañang ang pagkilala ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas dahil sa mga hakbang ng pamahalaan laban sa karahasan at pang-aabuso sa mga bata.

Kinilala ang bansa bilang miyembro ng Council of Champions to End Violence Against Children, bilang patunay ng mga programang ipinatutupad upang pigilan at wakasan ang karahasang dinaranas ng mga kabataan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mahalagang batayan ng pagkilalang ito ang maayos na pagpapatupad ng mga programa ng Department of Health (DOH) na nakatuon sa proteksiyon at kapakanan ng mga bata.

Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang mga polisiya at serbisyong kaakibat ng Sustainable Development Goal 16.2, na naglalayong tuldukan ang lahat ng uri ng karahasan laban sa mga bata.

Kabilang sa mga tinututukan ng pamahalaan ang pagpigil sa pang-aabuso, pagsasamantala, trafficking, at iba pang anyo ng pisikal, mental, at sekswal na karahasan laban sa kabataan.

Tiniyak ng Malacañang na mahigpit ang tagubilin ng Pangulo na unahin ang kaligtasan, kalusugan, at nutrisyon ng mga bata at kababaihan bilang pundasyon ng isang ligtas at maayos na lipunan.

Facebook Comments